Saturday, December 31, 2011

   “Baba- bababa- bababababa- babababa- bababa- ba- baba?” Anong sabi niya? Kailan ko kaya matatagpuan ang lalaking magpapa-tibok ng aking puso?”  “Baba- babababa- bababa- ba-bababa?” “At magmamahal sa akin ng tunay?.”

    Ganyan magsalita ang mga Talyen. O ang mga taong mukhang alien. Nakatira sila sa Planetang Ceres. Ang itsura nila ay parang drawing ng isang batang Grade 1 na pinilit na huwag maging stick ang kalalabasan.

    Si Juaning, ang pinaka-magandang Talyen sa Planetang Ceres. Marami ang nahuhumaling sa kagandahan niya. Mapa-lalaking talyen man o tomboy. Mayroon nga ring kasong bakla na naging lalaki dahil super duper ultra mega na nain-love siya kay Juaning. Kahit ang pinaka-huhumalingan din ng mga babae na si Ondoy, ay patay na patay sa kanya.

    Ngunit, dehins pansin ni Juaning ang lahat.Pati si Ondoy, gwapo man, maskulado,, matangkad, masipag, at may 8 pockets, ay hindi niya pinansin. Hindi na nga malaman ng mga magulang ni Juaning ang tunay niyang kasarian dahil No Boyfriend  Since Birth  siya.

    Tambay lagi si Juaning sa buwan. Hindi tulad ng ibang planeta, ang Planetang Ceres may easy access sa buwan. Kumbaga, para ka lang sumakay ng jeep sa Morayta patungong Quiapo. Ganoon kabilis silang nakakapunta sa Buwan.

    At hindi kagaya ng mga tao, wala silang suot na kulay puting mascott na pagkakapal-kapal at may bilog na parang aquarium sa ulo para lang maka-labas sa kanilang planeta at lumutang-lutang sa kalawakan.

    Kung sa tao, jeepney ang ginagamit nila para sa kanilang transportasyon, ang mga talyen naman ay may tinatawag na jetplag para sa kanilang transportasyon.

   
At kung sa tao ay gumagamit sila ng Apollo o kahit anong Spacecraft para maka-punta sa kalawakan, ang mga talyen ay nakakalabas-masok lang sa kanilang planeta na parang nag-lalaro lang ng langit lupa, in or out.

Ang jetplag ay puwede sa kahit saan. Sa tubig, sa lupa, at sa hangin. Tipong all around. Isang pindot, bigla ka na lang lilipad. Isang pindot, bigla ka na lang nasa dagat.

Sino ang naka-imbento ng jetplag? Si Tatang Sendong. Mahilig kasi dati maglakwatsa si Tatang Sendong sa kalawakan. At isang gabi, may dumaan na meteor shower. At isa doon ay tumama sa ulo niya. Kaya nagkasunog-sunog at naging kulot ang buhok niya. Sa totoo nga, may hawig na siya kay Albert Einstein.

At simula noon, kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan niya. Tulad ng kwela, libog, future niya, mga bagay-bagay na wirdo pero astig. Kung anu-ano na ang inimbento. Mga sapatos na lumilipad, sombrero na may straw, at softdrinks ang lumalabas. Damit na puwede kang mag-soundtrip. At pantalon na sound proof. As in, hindi maririnig ng kahit sino ang utot ng kung sinuman ang magsusuot nito.

Kaya naman sikat na sikat itong si Tatang Sendong sa Planetang Ceres. Na ninong ni Juaning. At kaya rin sa tuwing sasakay si Juaning sa jetplag patungong buwan ay nalilibre siya ng bakla nitong driver na si Chedeng.

    Si Chedeng, ang mukhang babaeng lalaki. Tauhan ni Tatang Sendong. Na may ultimate pag-hanga’t pag-ibig kay Ondoy. Si Chedeng na ex ni Pepeng, at hanggang ngayon ay siya pa rin ang gusto. Si Pepeng, ang certified die-hard lover ni Chedeng at pinsan ni Ondoy. Infairness naman kay Chedeng, ang haba ng hair niya. Galit si Pepeng kay Ondoy dahil sa kanya in-love si Chedeng. Na siyang dahilan kung bakit pumangit ang image ni Ondoy kay Juaning. Dahil siniraan siya ni Pepeng.

    “Ba- bababababa- bababa- baba.” “Uy, Juaning, alam mo ba, ang pinsan kong si Ondoy na sinasabing patay na patay sa’yo ay shoding?”   “Eiw!” sagot naman agad ni Juaning. Dagdag pa sa kwento ni Pepeng, nakita kuno nito sina Ondoy at Ursula na kaibigan ni Chedeng na joding din, na nasa jetplag habang wala itong pasahero. “Gabi noon, sa may plaza naka-lapag ang  jetplag. Nakita ko silang dalawang nagka-kangkangan. Grabe, akala ko lalaking-lalaki talaga itong insan ko dahil sa macho at maraming babae. ‘Yun pala shoding din. Basta huwag mong ipapaalam na may sinabi ako sa’yo ha. Ikaw lang kasi napag-kwentuhan ko nun.”   “Ay, shoding pala si Ondoy! Sabi na eh, Nakakaramdam talaga ako. Dahil una pa lang, hindi ko na siya nagustuhan kahit siya pa pinaka-gwapo kuno here on Ceres.”

    At kaya naman kahit anong pagpapa-kyut gawin ni Ondoy kay Juaning ay wala itong silbi. Kindat sa left, kindat sa right. Palabas ng dimple sa left, palabas ng dimple sa right. Lalo lang tuloy nababadingan si Juaning sa kanya. Lalo na ‘nung kinantahan pa siya ni Ondoy ng “Palong-palo” ni Vice Ganda.


Isang gabi, habang palakad-lakad sa
kalawakan si Juaning, nakita niya ang kanyang mga magulang na naka-sakay sa alaga nilang baklang dinosaur na si Quiel. Dinosaur o Bi-nosaur (Bisexual na dinosaur).

Ang mga magulang ni Juaning ay sina Juan
at Rosing. Sa sobrang sweet nilang mag-asawa ay pinag-sama nila ang kanilang pangalan at naka-buo ng “Juaning.”

    Si Rosing, noong kabataan ay parang si Juaning. Maganda at marami ring nahuhumaling. Pero ang pagkaka-iba nila ay marami ng lalaking nakalipas si Rosing bago mag-pakasal kay Juan.

    Si Juan, Asiong-like. Ang Kingpin ng Ceres. Astig, siga, matapang, pero lovable asawa at ama sa pamilya.

    Hindi nila malamang kung kanino ba nag-mana ang anak dahil nasa edad naman na ito ngunit wala pa rin itong nobyo. Ni-paghanga sa ibang lalaki ay walang naririnig ang kanyang mga magulang. Maganda naman si Juaning. Marami ang nagkakagusto. Ngunit bakit? Bakit?

    Kinausap nila Juan at Rosing si Juaning. “Baba- bababa- bababa- ba- baba- babababa- bababa?” “Anak, ano ba talaga ang gusto mo sa isang lalaki?”  hindi sumagot si Juaning.

    Ika-12 ng Abril,1961. Si Juaning ay nakakita ng lalaking may bilog sa ulo at kulay puting mascott, habang naglalaro sa kalawakan malapit sa Planetang Earth. Nagka-gusto siya dito. Ganitong lalaki ang hinahanap niya na wala sa Ceres.

    Nilapitan siya nito. “Hi! My name is Yuri Alekseyevich Gagarin. Or you can call me Yuri for short. This is my first time here in outerspace. Actually, I am the first human here. And wow! How wonderful it is! Especially you.”  sabay ngiti kay Juaning.

    Naiintindihan ni Juaning ang mga pinag-sasasabi ni Yuri. Pero nang siya ay mag-salita, ‘di na siya naintindihan ng lalaki. “What? Huuwaaat?!”  Nalungkot si Juaning, alam niyang ganitong uri ng nilalang ang magpapa-tibok ng kanyang puso. Pero paano sila mag-iibigan kung hindi nila naiintindihan ang isa’t-isa? Paano?

   “Human. ’Yun ang naaalala kong sinabi niya sa akin. Human ang gusto kong lalaki para sa akin, ma. Ayoko sa mga kapwa natin Talyen.”  sabi ni Juaning sa mga magulang. “Anak, kung iyon talaga ang nais mo, wala naamn kaming magagawa ng Tatay mo kundi ang alalayan ka lang. Hayaan mo, baling araw, may darating na isang Human na maiintindihan mo’t maiintindihan ka. Magkaka-intindihan kayong dalawa at mag-iibigan. May bukas pa anak. Huwag kang mawalan ng pag-asa.”  sagot naman ni Rosing na parang nasa Telenovela ang drama.

         “What? Huuwaaat?!”  tanong ni Yuri. Dahil Bababa- baba lang din naman ang naririnig nito mula kay Juaning, hindi na niya ito pinilit na ayusin ang salita. Nagkwento na lang siya sa babaeng Talyen dahil alam niyang naiintindihan siya nito. “I’m an astronaut. This is what they call us humans who travel outerspace.”  at hindi lang siya naging story-teller kay Juaning. Naging guro din siya dito.
    
    Nalaman ni Juaning kay Yuri na ang astronota (katawagan sa Estados Unidos, mula sa astronaut) o kosmonota (katawagang Ruso, mula sa cosmonaut) ay isang taong nagpupunta sa kalawakan. Sinanay daw ang mga astronota, sa pamamagitan ng isang programang pang-kalawakan, upang mamuno, mag-silbing piloto, o bilang tauhan ng sasakyang pang-kalawakan.

    Humanga lalo ng husto sa kanya si Juaning. Kaya simula noon, ay lagi siyang nagpupunta malapit sa Planetang Earth. Upang masilayan pa ang ibang mga asronota o tao, tao pala ang tawag sa kanila. Tao ang gusto ni Juaning at hindi Talyen.

    Ika-5 ng Mayo,1961. Wala pang isang buwan noong huli silang nag-usap ni Yuri Gagarin. Naka-kita uli siya ng astronota. Nilapitan uli siya at kinausap. “Hi beautiful girl! My name is Alan Shepard. The first American and second person here in space. And you are? " Bago pa man sumagot si Juaning, ay hiniling nito na sana ay maintindihan siya ni Alan. “Bababa- baba- babababa.”  “Pardon, can you say it again? I can’t quite make out what you’re saying.”  lumuha si Juaning at umiling. Umalis siya at umuwi.

    Gustong-gusto niyang maintindihan siya ng tao. Alam niyang Malabo, pero sa oras na may maka-intindi sa kanya ay ito na ang mamahalin nito habang buhay. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Aasa lang siya, at aasa uli.



    Simula ng magka-crush itong si Juaning kay Yuri, ay ginusto na nito ang tao. Tao daw at hindi ang Talyen ang makaka-emehan niya at iibigin niya. At sinisigurado niya na iibigin din siya ng wagas ng kanyang future boyfriend.

    Pag-uwi ni Juaning sa Ceres, ay naabutan niya ang isang mayamang politiko na nangangako nanaman sa mga madlang talyen. Si Banny Billiard. Nangangampanya para sa eleksyon 1961 ng pagka-persidente. Sa sobrang yaman, ay halos puro mukha na niya ang Ceres. May mga poster sa kahit saan. Sa kanto, sa jetplag, sa pader, sa ding-ding, sa kisame, sa kubeta, at kung saan-saan pa.
    
    Sa poster niya, ay may kasama pang tako ng bilyaran. Props niya raw dahil Billiard ang apelyido niya. Ang pose niya? Nasa gitna ng kanyang mga hita ang tako. Naka-hawak ang isang kamay sa tako, at ang isang kamay ay naka-kaway. May kasabihan pang, “Iboto si Billiard, upang lahat tayo’y maging wizard.” Paborito raw kasi ni Banny si Harry Bummer na isang wizard sa pelikula.